Ano - ano ba ang mga prenatal vitamins na kailangan ng isang buntis ?

Kung nagdadalang-tao o buntis ka, ano-ano ba ang mga prenatal vitamins na kailangan mong inumin para maging healthy ka at si baby? 


Apat na klase ng prenatal vitamins ang kadalasang inirereseta ng mga doktor o midwife para sa mga buntis. 

Una, FOLATE / FOLIC ACID. Kailangan po nito upang maiwasan na magkaroon si baby ng abnormalities sa brain, spine, at spinal cord. Kadalasan iniinom ito hanggang sa 12th week ng pagbubuntis. Minsan, higit pa.

Pangalawa, IRON / FERROUS SULFATE. Tinutulungan nito ang ating katawan na magkaroon ng sapat na supply ng hemoglobin sa red blood cells ng ating dugo. Ang hemoglobin ang nagbibigay kakayahan sa ating dugo na magdala ng oxygen mula sa ating baga papunta sa iba't ibang bahagi ng ating katawan. Kapag buntis tayo, kailangan natin ng maraming iron para mabigyan ng sapat na supply ng oxygen ang ating katawan at si baby. 

Pangatlo, CALCIUM. Habang buntis tayo, napupunta kay baby ang calcium natin sa katawan dahil kailangan ito sa paggawa ng kanyang mga buto at ngipin. Upang maiwasan na humina ang mga buto nating mga nanay, kailangan natin ng dagdag na suplay ng calcum para mapunan ang mga pangangailangan ni baby. 

Pang-apat, VITAMIN D. Bukod sa nakatutulong ito sa pagkakaroon ng matitibay na mga buto para kay nanay at baby, sinasabing pinapababa rin nito ang chance na magkaroon ng pre-eclampsia, low birthweight at preterm birth. 

Kahit na ito ang madalas na inirerekomenda ng mga health practitioners, dapat nating tandaan na kailangan muna nating sumangguni o magpacheck up sa ating doktor bago uminom ng kahit ano pang bago o dagdag na vitamins o gamot, lalong-lalo na kung may kakaiba po tayong nararamdaman o kung meron tayong kondisyong medikal.

Bukod sa pag-inom ng mga prenatal vitamins, kailangan din natin ng mga sumusunod:

  • Masustansiyang pagkain gaya ng prutas at gulay
  • Maraming tubig
  • Sapat at maayos na tulog at pahinga.
  • Ehersisyo
  • Kapayapaan ng isip at panatag na kalooban.  

Dapat din nating iwasan ang pag-inom ng alak, paninigarilyo at paglanghap ng usok ng sigarilyo, pagkonsumo ng hilaw na pagkain at junk food, at paggawa ng mga delikadong aktibidad kung saan malaki ang chance na maaari kang malaglag, bumagsak, o matamaan sa iyong tiyan at puson. Sikapin ding iwasan ang mga bagay na makakapagbigay sa'yo ng stress.

Sources:

  • *** Mga nireseta sa akin noong nagbubuntis ako
  • https://www.unilab.com.ph/articles/5-important-vitamins-for-pregnant-women
  • https://www.webmd.com/baby/guide/prenatal-vitamins#1
  • https://www.nhs.uk/pregnancy/keeping-well/vitamins-supplements-and-nutrition/
  • https://www.smartparenting.com.ph/pregnancy/health-nutrition/vitamins-at-vaccines-para-sa-mga-buntis-a00307-20200827






Mga Komento