Alin ba ang susundin - Due Date sa LMP o Due Date sa Ultrasound ?
Ano ba ang estimated due date mo ? Kailan ka manganganak ? Paano kung iba-iba ang lumalabas na due date mo base sa LMP mo at sa mga ultrasounds ? Alin ba ang susundin?
May mga pagkakataon talaga na iba - iba ang nagiging estimated due date o EDD base sa LMP o Last Menstrual Period at EDD sa mga ultrasound tests. Normal ito at hindi mo dapat ipag-alala kung hindi naman ganoon kalayo ang agwat ng mga petsa.
Kapag magkaiba ang LMP EDD sa Ultrasound EDD, kadalasang pinipiling basehan ng mga doktor at midwife ang ULTRASOUND kung:
- Ito ay TRANSVAG1NAL ULTRASOUND na ginawa sa unang labintatlong linggo ng iyong pagbubuntis o sa 1st trimester mo.
- Isang linggo o higit pa ang pinagkaiba ng Ultrasound EDD mo sa LMP EDD.
EDD base sa LMP o unang araw ng huling dalaw ng isang buntis ang nagiging basehan naman po kapag:
- REGULAR ang menstrual cycle mo. Ibig sabihin, nagkakaroon ka ng buwanang dalaw at ang karaniwang menstrual cycle mo ay 28 days.
- Siguradong-sigurado ka sa petsa ng iyong LMP.
- Ilang araw lang o hindi hihigit sa isang linggo ang pinagkaiba ng Ultrasound EDD at LMP EDD mo.
- Kung ang ultrasound ay HINDI transvag1nal at huli na o ginawa lamang nang ikaw ay nasa 2nd o 3rd trimester na ng pagbubuntis mo (ika-14 na linggo mo na o higit pa).
Kung nakumpirama mo na ikaw ay buntis sa pamamagitan ng Pregnancy test at hindi mo na maalala kung kailan ang LMP mo, o kung ikaw ay may irregular na menstrual cycle, maiging sumangguni sa doktor o midwife at magpa-ultrasound kaagad.
Tandaan na habang mas pinatatagal mo ang pagpapaultrasound, mas lalong hindi magiging accurate o eksakto sa araw ng panganganak mo ang lalabas na EDD sa ultrasound test. Kapag ang ultrasound mo ay ginawa sa pagitan ng ika-18 at ika-28 na linggo ng iyong pagbubuntis, maaaring manganak ka ng DALAWANG (2) LINGGO BAGO O PAGKATAPOS ng nakatakdang Ultrasound EDD mo. Kung ang ultrasound mo naman ay ginawa pagkalipas ng ika-28 na linggo ng pagbubuntis mo, maaari kang manganak TATLONG (3) LINGGO BAGO o PAGKATAPOS ng nakatakdang Ultrasound EDD mo.
Tandaan din na ang EDD ay isang ESTIMATE lamang. Walang kasiguraduhan na manganganak ka sa eksaktong due date mo. Halimbawa na lang, sa experience ko, ni isang beses, hindi pa po ako nanganak sa eksaktong araw ng mga EDD ko base sa LMP pati na sa mga ultrasound tests. Napapaaga po ang panganganak ko ng mga 3 hanggang 9 na araw. May ibang mga buntis naman po na lumalagpas sa due date ng ilang araw hanggang dalawang linggo. Ugaliin po nating regular na magpacheckup sa doktor o midwife kung tayo ay buntis upang matulungan po nila tayo sa pagmonitor sa ating pagbubuntis at panganganak.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento