Usapang Panganganak : OK bang manganak sa Lying-In Clinic? Pros and Cons
Kapag nalaman mong buntis ka, isa sa mga unang dapat mong gawin ay ang paghahanap ng OB o Midwife na magpapaanak sa'yo, kasama na rin dito ang paghahanap ng ospital o lying-in clinic kung saan ka manganganak. May ibang takot manganak sa lying-in clinic sa iba't ibang dahilan pero kung ako ang tatanungin mo, maganda ang naging mga experience ko sa panganganak ko sa iba't ibang lying-in clinics.
Para po sa mga nagtatanong kung OK bang manganak sa lying-in clinics, ibabahagi ko po sa inyo ang ilang mga POSITIBO at NEGATIBONG punto na dapat mong pag-isipan kung ping-iisipan mong manganak sa isang lying-in.
POSITIBO:
1. Mas MURA ang babayaran mo sa panganganak KUMPARA sa babayaran sa PRIVATE HOSPITALS. Kung midwife ang magpapaanak sayo, nasa P2,000 hanggang PhP12,000 ang babayaran mo. Kung OB, nasa P4,000 hanggang P25,000. Mayroon ding nakakakuha ng ZERO bill pero ang presyo po ay nakadepende sa kung public o private ba ang lying-in, kung anong healthcare plans ang meron ka kagaya ng Philhealth, kung anong healthcare package ang applicable sa'yo, kung anong klaseng pasibilidad mayroon ang lying-in, kung anong mga gamot at gamit ang gagamitin ninyo ni baby, at marami pang iba.
2. Kapag sa lying-in ka manganganak, mas KAUNTI ang kasabay mong manganganak kaya mas maalagaan kayo ni baby at mas maaasikaso. Kumpara sa panganganak sa private hospital at lalong-lalo na sa mga nanganganak sa mga public hospitals, mas nabibigyang pansin kadalasan ng mga midwife at iba pang staff ng lying-in ang mga nanganganak sa kanilang clinic dahil mas kakaunti ang pasyente nilang inaasikaso.
3. Halos Lagi mong katabi o kasama si baby at mas maluwag rules nila sa bantay mo. Kapag sa private hospitals ka nanganak, kadalasan ay inihihiwalay muna nila si baby kay mommy nang ilang oras. Mas strikto din ang patakaran nila pagdating sa magbabantay sa inyo ni baby. Sa lying-in clinics naman, kadalasang itatabi na agad sa iyo si baby kapag siya ay nalinisan at nadamitan. kadalasang mas nakakapagstay din nang matagal ang bantay sa tabi niyo ni baby.
4. Mas homey and relaxing ang environment compared sa hospital set-up. Kadalasan, ang mga lying-in clinics ay hindi malahospital kung hindi ay mala-bahay na maganda kung saan mas magiging kampate ka.
5. Mas mabilis kang makakauwi. Kadalasan, within 24 to 48 hours ay makakauwi ka na matapos mong manganak sa lying-in. May ilang mga lying-in clinics din na papayagan ka nang makauwi kahit wala pang 1 araw pagtapos mong manganak basta walang kahit anong kumplikasyon sa panganganak mo at parehas kayong OK ni baby ayon sa OB o midwife at pediatrician.
NEGATIBO:
1. Vaginal Births lang o Normal delivery ang tinatanggap nila.
2. Ayon sa direktiba ng DOH at nakasaad sa kanilang SAFE MOTHERHOOD PROGRAM, Low risk pregnancies lang po ang maaaring ihandle ng Lying-in clinics. Ibig sabihin, hindi po kayo maaaring manganak sa lying-in kung high risk pregnancy kayo - kasama na rito kung unang pagbubuntis niyo o kung pang-lima niyo na o higit pa. Pansamantala pong itinigil ang implementation nito noong kasagsagan ng COVID 19 pandemic pero ipinapatupad na po ito ulit ngayon.
Check:
- LINK to DOH ADMINISTRATIVE ORDER tungkol sa LOW RISK at HIGH RISK na pagbubuntis
- LINK TO DOH Administrative Order sa National Policy sa Pagpapaanak sa Unang Pagbubuntis o Panglima at Higit Pa
3. Maaaring kulang ang kanilang gamit, facilities, at gamot kung sakaling may mangyaring hindi inaasahan sa iyong panganganak kaya kakailanganin ka nilang itakbo sa ospital.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento