5 TIPID tips para sa Buntis - Paano MAKAKATIPID ? Budget Tips sa Pagbili ng mga Gamit ni Baby

Kapag NANAY, siguradong wais kaya sigurado rin akong halos lahat sa'ting mga mommies ay marunong magbudget, marunong magtipid - lalo na sa panahon ngayon kung kailan sobrang taas na halos lahat ng mga bilihin at iba pang bayarin.

Kung buntis ka, paniguradong nag-iisip ka rin ng mga paraan para makatipid sa pagbili ng mga gamit ni baby ngayon. Dahil dyan, naisipan kong magshare ng LIMANG TRIED and TESTED budget tips ko sa pagbili ng mga kailangan ni baby paglabas niya.

UNA, Bumili ng nasaisip ang LAKI ni baby at ang PANAHON o WEATHER kung kailan gagamitin ni baby ang binili mo. Kapag bibili ka ng damit o gamit ni baby, isipin mo kung ano ang magiging WEATHER sa buwan na magagamit ni baby ang binibili mo. Halimbawa, kung ang estimated due date mo ay matatapat sa March, April o May, ibig sabihin SUMMER yun sa Pilipinas. Sobrang init kaya wag ka nang bumili ng maraming long-sleeves at pajamang pang 0-3 months para kay baby. Sa halip, mas maraming short sleeves at sleeveless na lang ang bilhin mo. Kung bibili ka ng mga damit na panlamig, bilhin mo yung pang 9-12 months na size na dahil ganun na ang magiging edad ni baby mo pagdating ng buwan ng Disyembre at Enero.

PANGALAWA, Kung pwedeng HINDI BUMILI, WAG KA NANG BUMILI. Kung nagtitipid ka talaga at meron namang mga hand-me-downs, pwedeng labahan na lang nang maigi ang mga ito at wag nang bumili ng bago. Masarap mamili ng gamit para kay baby pero bago ka bumili ng kahit ano, o bago mo dagdagan ang mga naipon o napamili mo na, tanungin mo muna ang sarili mo at maging honest ka sa pagsagot - MAGAGAMIT ba TALAGA ito ni baby? Halimbawa, magagamit ba talaga ang Crib kung mas gusto mo namang katabi si baby sa pagtulog? Maipapagamit mo ba talaga kay baby ang ROCKER kung gusto mo namang ikaw ang naghehele sa kanya sa pagtulog? Magagamit ba ni baby ang CARRIER kung bihira naman kayong aalis sa bahay? Magagamit niya ba ang HIGH CHAIR kung mas gusto mo namang kalong mo siya habang pinapakain mo? Kung nagdadalawang isip ka kung magagamit ba talaga ni baby ang isang bagay, mainam na wag mo na lang itong bilhin.

PANGATLO, Maaaring bumili nang bultuhan o maramihan, o by set para makakuha ng discounts PERO huwag kang bumili ng MARAMIHAN kung hindi naman sure na lahat ng mabibili mo ay magagamit ni baby. Halimbawa, wag kang bibili ng maraming-maraming NEWBORN diapers dahil siguradong mabilis na kalalakihan lang yan ni baby - pati na rin ang mga newborn clothes. Hindi rin kailangang bumili ng tig-isang dosenang baru-baruan na long sleeves, sleeveless, at short sleeves dahil mabilis din yan kalalakihan ni baby. Kadalasan, hanggang 2 or 3 months lang nila nagagamit ang baru-baruan nila. Hindi rin kailangang agad-agad na magstock ng sobrang daming diapers, baby wipes at baby shampoo or soap bago ka manganak dahil hindi ka sigurado kung magiging hiyang siya sa mga binili mo. 

PANG-APAT, Bumili kapag SALE pero siguraduhing totoong discounted nga ang mga items na mabibili mo. Kadalasang may SALE kapag magkaparehong 'digits' ang buwan at araw (Halimbawa _ ENERO 1 (1-1) , PEBRERO 2 (2-2) , MARSO 3 (3-3), etc.) at kapag PAYDAY o tuwing 15th at katapusan ng bawat buwan. Mainam na bumili ng gamit ni baby kapag may sale dahil marami ang nagbibigay ng discounts pero mag-ingat din sa mga FAKE discounts. Bago pa man dumating ang araw ng sale, icheck mo na ang prices ng mga gusto mong bilhin - at wag ka lang sa isang shop tumingin ng presyo. Mag-ingat sa mga naglalagay ng FAKE DISCOUNTS o yung mga nagsasabing discounted o naka-sale ang items nila kahit hindi naman talaga. Ibig sabihin, may sale o wala, hindi nagbabago ang presyo ng binebenta nila. Magsurvey at magcheck ng prices ng maraming shops para makita mo kung alin ang may pinakasulit na presyo. Wag rin kalimutan gamitin ang mga available na CASH BACKS at FREE SHIPPING vouchers tuwing may sale sa mga online sites.

PANLIMA. Bumili ng MURA pero siguraduhing hindi mo isasakripisyo ang quality ng item. Bakit? Kasi baka mamaya, bumili ka ng mura pero masisira lang agad tapos bibili ka din ulit... or baka bumili ka ng mura tapos hindi pala yun safe para kay baby. Kaya siguraduhing icheck muna ang quality ng item bago mo bilhin. Kapag sa online shops or apps ka bibili, icheck mo muna ang reviews ng product. Pwede ka ring mag-inquire at magrequest sa seller ng actual photos ng mga products - hindi yung curated photo o edited o filtered o grinab lang na photo na idinisplay nila sa online store nila. 

Mga Komento