Lagpas 9 months na pagbubuntis, posible ba?

Kapag nanonood tayo ng mga sine o teleserye at may nag-aaway na mag-nanay, kadalasan may sumbatan part at kasama sa linya nila yung: Wala kang utang na loob! Siyam na buwan kitang dinala sa sinapupunan ko tapos ganito lang ang igaganti mo! - pero ang tanong - siyam na buwan nga lang ba? Ilang buwan ba talaga ang pagbubuntis? 

Kung pagbabasehan natin ang computation para sa estimated due date ng mga healthcare professionals, masasabi nating hindi eksaktong 9 months ang isang pagbubuntis. Ang totoo, NORMAL na lalagpas sa siyam na buwan ang isang pagbubuntis dahil ang average na haba ng gestation ni baby ay 280 days o 40 weeks. Minsan nga, umaabot pa sa 42 weeks ang pagbubuntis kapag first pregnancy.

Ang pagbibilang para sa pagbubuntis ay nagsisimula sa unang araw ng huling regla - HINDI KUNG KAILAN MAY NANGYARI sa inyo ng iyong partner. Ang isang buong pagbubuntis ay binubuo ng tatlong trimesters - ang una ay mula sa unang araw ng huling regla hanggang sa katapusan ng Week 12; ang pangalawang trimester ay mula sa Week 13 hanggang Week 27; at ang huling trimester ay mula Week 28 hanggang sa maipanganak si baby. Dapat tandaan na kahit pa 40 weeks ang karaniwang itinatagal ng isang buong pagbubuntis, pwedeng ipanganak si baby nang mas maaga sa estimated due date o mas late. Maaaring manganak ng EARLY Term o 37 weeks hanggang 38 weeks at 6 days, FULL TERM o 39 weeks hanggang 40 weeks at 6 days, o LATE TERM - 41 weeks hanggang 41 weeks at 6 days. Kapag inabot na ng 42 weeks o lagpas pa, considered nang overdue o postterm ang isang pagbubuntis.

So, kung halimbawang ang unang araw ng huling regla ay nung January 27 - pupwedeng abutin pa ng ng 42 weeks o hanggang November 17 ang panganganak. Pupwede rin namang mapaaga at October 13 pa lang ay manganak na. 


Mga Komento