Due Date : Aling Ultrasound ang Susundin kung iba ang EDD sa TransV at sa Pelvic ?
Sa isang pagbubuntis, kadalasang kailangan natin na magpapaultrasound ng 3 beses o higit pa. Merong TransV o Transvaginal ultrasound para sa unang trimester. Merong PELVIC ultrasound at CAS para sa 2nd trimester, at meron ding BPS o Biophysical Profile Score na ultrasound sa huling trimester. Mahalaga ang mga ito para mabantayan ang maayos na pagdevelop ni baby sa sinapupunan.
Kapag chinicheck ang development ni baby, kasamang inievaluate sa ultrasound ang EDD o ang estimate due date. Ito ang petsa kung kailan maaaring ipanganak si baby. Yun nga lang, madalas na PAIBA-IBA ang EDD na lumalabas sa mga ultrasound. Ang tanong - kung IBA-IBA ang EDD mo sa mga ultrasound - aling EDD ba ang susundin mo?
Ayon sa mga experts, ang pinakareliable na EDD ay yung galing sa ultrasound na ginawa sa unang trimester o yung TRANSV ultrasound. Bakit? Dahil kapag nagpapaultrasound ka aa unang trimester o hanggang sa unang 13 weeks ng pregnancy, ginagamit ang sukat na tinatawag na crown–rump length. Ibig sabihin, sinusukat mula ulo hanggang puwitan si baby sa sinapupunan. Dahil halos pare-pareho ang paglaki ng mga sanggol sa early part ng pagbubuntis, ito ang itinuturing na pinakareliable na estimation para sa due date.
Bukod pa rito, mas reliable din ang TRANSV kaysa sa pelvic ultrasound dahil sa posisyon ng probe. Kumpara sa PELVIC ultrasound kung saan nakapatong lang ang probe sa ibabaw ng tiyan, ipinapasok ang probe sa loob ng puwerta kapag TransV ang ginagawa. Dahil dito, mas malapit sa uterus at mas malinaw ang imahe na nakukuha sa TRANSV ultrasound. Nakikita agad ang lokasyon ng pagbubuntis, tibok ng puso, at eksaktong laki para sa tamang EDD.
Naaapektuhan din ng iba't iba pang factors ang paglaki ni baby sa sinapupunan kaya hindi na gaanong accurate ang mapepredict na EDD. Nakakaapekto ang genetic traits ng parents at ang diet, medical condition, at habits ni Mommy. Nakakaapekto rin sa paglaki ni baby sa sinapupunan ang bilang ng baby, edad ni mommy, at iba pa.
Sa kabuuan, ang TRANSV o ang unang ultrasound na ginawa sa unang trimester ang pinakareliable sa lahat ng ultrasound - pagdating sa pag-estimate ng due date. Kadalasan kasi, ang mga sumunod na ultrasound ay ginagamit na lang para tingnan kung maayos ang paglaki ng sanggol, hindi para magpredict ng reliable na due date.

Mga Komento
Mag-post ng isang Komento