Kailan ba ako nabuntis? Bakit ang LMP ang Unang Araw ng Pagbubuntis? Ano ba ang Conception?

Normal ang menstrual cycle mo at delayed na ang menstruation mo ng isang lingggo kaya sinubukan mong magpregnancy test. Nagpositive ka kaya nagpacheck-up ka na agad sa doctor. Tinanong ka nila kung kailan ang unang araw ng huling menstruation mo o kung anong LMP mo. Nagulat ka na lang nakasulat na sa patient card mo na five weeks pregnant ka na kahit 3 weeks ago lang nung may nangyari sa inyo ng asawa mo. Ha? Bakit ganun? Five weeks pregnant ka na agad? Kailan ka ba nabuntis?

Pagdating sa pagcalculate kung gaano na katagal ang isang pregnancy o pagbubuntis, maraming tao ang nagtataka kung bakit nagsisimulang magbilang ang mga doktor mula sa unang araw ng huling regla ng isang babae. Buntis ka na ba nun? Nabuo na ba si baby nun? Ang totoong sagot, HINDI PA. Hindi ka pa aktwal na buntis sa unang araw ng regla mo. Pero bakit nga ba yun ang itinuturing na unang araw ng pagbubuntis ng mga doktor at iba pang health care professionals?

Hindi ka pa totoong buntis sa araw ng LMP mo dahil ang totoong pagbubuntis ay nagaganap sa araw ng CONCEPTION. Nangyayari ang conception kapag nafertize ng sperm cell galing sa lalaki ang egg cell ng babae PERO ang LMP ang ginagamit na basehan sa pagcompute ng gestational age ni baby dahil mahirap talagang matiyak ang eksaktong araw ng CONCEPTION. Marami kasing dapat isaalang-alang kapag ineestimate ang conception ni baby.
  • Una, paiba-iba ang haba ng menstrual cycle ng mga babae kahit pa normal na dinadatnan ka buwan-buwan. Sa average, nasa 28 days ang menstrual cycle ng babae pero MAARI itong mabawasan o madagdagan ng ilang araw bawat buwan. 
  • Pangalawa, nagbabago ang araw ng ovulation o yung araw kung kailan irerelease ng ovary ang egg cell. Hindi laging Day 14 ang ovulation. Ito ay kadalasang nagaganap sa pagitan ng Day 11 hanggang Day 21 mula sa LMP. Kapag narelease na ang egg cell, nagsusurvive lamang ito ng 12 to 24 hours.
  • Pangatlo, ang sperm cell ng lalaki ay maaaring magsurvive sa reproductive system ng babae hanggang LIMANG ARAW. Samakatwid, pwedeng ang araw ng pagkabuo ni baby ay HINDI ang araw kung kailan may nangyari sa inyo ng asawa mo. Pwedeng mabuo si baby anytime sa loob ng limang araw mula sa araw na may nangyari sa inyo KUNG tatapat ang mga araw na ito sa ovulation ng babae. 
O di ba, ang hirap tiyakin ng date of conception? Dahil mahirap nga tiyakin ang araw ng ovulation at conception, mas magiging madali para sa mga healthcare professionals ang pagsukat ng development ng pagbubuntis mo kapag ang LMP na lang ang gagawin nilang basehan. Mula sa LMP, tinatayang 280 days tatagal ang pagbubuntis mo kaya sa 280th day din ang EDD o estimated due date. Ang EDD na ito ang araw kung kailan ka maaring manganak. Take note po, ESTIMATED po ito. Ang ibig sabihin, pagtatantya lang po ito at hindi TIYAK. Maaari pong manganak nang mas maaga o sumobra nang kaunti sa EDD.

Mga Komento