Kailan ako nabuntis? Kailan kami nakabuo? Apat na Maling Akala tungkol sa Kung Kailan Nabuo si Baby
Marami tayong mga maling akala tungkol sa pagbubuntis. Ilan dito ay may kinalaman sa kung kailan nabuo si baby. Para sa mga nagtatanong kung posible bang malaman kung aling araw mismo nagbunga ang nangyari sa inyo ng spouse o partner mo, panoorin niyo po ang video na ito.
Ang araw na "nakabuo" kayo ay tinatawag na DATE OF CONCEPTION (o minsan tinatawag ding fertilization). Ito ang araw kung kailan nagsama o nagsanib ang SPERM cell ng lalaki at EGG CELL ng babae.
May ilang mga MALING AKALA tungkol sa date of conception o ang araw na nakabuo ang mag-asawa. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:
Unang maling akala: Ang date of conception ay ang araw kung kailan sumubok gumawa ng baby ang mag-asawa. MALI PO. Ang eksaktong date of conception ay mahirap tukuyin. Pwedeng ang araw ng pagkabuo ni baby ay HINDI ang eksaktong araw kung kailan may nangyari sa inyo ng asawa mo dahil ang sperm ng lalaki ay maaaring magsurvive sa reproductive system ng babae hanggang LIMANG ARAW. Dahil dito, pwedeng mabuo si baby anytime sa loob ng limang araw mula sa araw na may nangyari sa inyo KUNG tatapat ang mga araw na ito sa ovulation ng babae.
Pangalawang maling akala: Ang date of ovulation ng babae ay laging ang Day 14 ng menstrual cycle kaya Day 14 din lagi ang date of conception. MALI PO. Pwedeng magbago ang araw ng ovulation o yung araw kung kailan irerelease ng ovary ang egg cell. Maaarung maging paiba-iba ang haba ng menstrual cycle ng mga babae kahit pa regular na dinadatnan sila buwan-buwan. Sa average, nasa 28 days ang menstrual cycle ng babae pero MAARI itong mabawasan o madagdagan ng ilang araw bawat buwan. Dahil dito, hindi rin laging Day 14 ang ovulation. Ito ay kadalasang nagaganap sa pagitan ng Day 11 hanggang Day 21 mula sa LMP. Kapag narelease na ang egg cell, nagsusurvive lamang ito ng 12 to 24 hours.
Pangatlong maling akala: Mangyayari lang ang conception kung may mangyayari sa inyo sa araw ng ovulation mo. MALI PO. Gaya ng nabanggit ko kanina, ang sperm cell ay maaaring magsurvive sa reproductive system ng babae hanggang LIMANG ARAW at ang egg cell naman ay nakakasurvive ng hanggang 24 HOURS. Ibig sabihin, maaaring makabuo ng baby ang mag-asawa kung may mangyayari sa kanila limang araw bago hanggang sa isang araw pagkatapos ng ovulation ng babae.
Pang-apat na maling akala: Ang date of conception ang itinuturing na unang araw ng pagbubuntis kapag nagkocompute ng estimated due date ang mga health care professionals. MALI PO. Salungat sa inaakala ng marami, hindi ang "conception date" ang ginagawang basehan ng unang araw ng pagbubuntis kapag nagkocompute ng Estimated Due Date. Hindi ibig sabihin na kapag 6 weeks pregnant ka ngayon ay anim na linggo na ang nakalipas mula sa date of conception. Sa halip, ang ibig sabihin ng 6 weeks pregnant ay 6 na linggo na ang nakalipas simula noong LMP mo o LAST MENSTRUAL PERIOD o yung unang araw ng huling regla. Dahil mahirap tukuyin ang eksaktong date of conception, hindi ito ang ginagawang basehan ng gestational age ni baby.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento