Usapang Panganganak : Paiba iba ang EDD ko sa Ultrasound, Alin ba talaga ang dapat ko sundin ? Kailan ako manganganak ?

Mahalaga ang pagpapaultrasound kapag buntis ang isang babae. Dito nalalaman kung anong lagay ni baby, kung gaano na siya kalaki, kung may defects ba siya, at iba pa - depende sa kung anong klaseng ultrasound ang ipapagawa mo. 

Sa bawat pagpapaultrasound, kasama sa mga results na makukuha mo ang EDD o ang Estimated Due Date niyo ni baby. Ang Estimated Due Date ay ang petsa kung kailan posibleng manganak si mommy. Ang tanong: Kung paiba-iba ang EDD sa bawat ultrasound, alin ba ang dapat sundin? Alin ba ang tama sa mga EDD sa Ultrasound Results? 

Bago natin sagutin ito, ipapaalala ko lang po na ang EDD ay GUIDE lang - ito ay ESTIMATED o pang-TANTSA lang kung kailan ka manganganak. May ibang mga nanganganak nang eksakto sa EDD pero marami ring HINDI. Hindi rin ito deadline kung kailan dapat lumabas na si baby. Kung bibilangin, ang EDD ay ang pang 280th day ng pagbubuntis mo o 40 weeks, simula sa unang araw kung kailan ka nagkaroon ng huling menstruation mo bago ka nabuntis.   

Balik po tayo ngayon sa tanong - alin ba ang Ultrasound EDD na dapat sundin? Ang pinakareliable po na EDD based sa ultrasound results ay yung EDD based sa pinakauna niyong ultrasound - lalong-lalo na kung ito ay TRANSVAGINAL ULTRASOUND na ginawa noong first trimester pa lang o bago matapos ang 13th week ng pregnancy mo.

Dapat nating tandaan na ang EDD sa ultrasound ay base sa nakitang sukat ni baby. So bakit ang unang transvaginal Ultrasound ang pinakaccurate? Una, dahil ang imaging na nakukuha nito ay karaniwang mas malinaw kaysa sa mga transabdominal, pelvic, at iba pang ultrasound tests na ginagawa sa mga buntis. Dahil ipinapasok ang probe, nakakakuha ng mas malapitan, mas detalyado, at mas malinaw na visuals sa loob ng pelvic cavity ang TransV kumpara sa pelvic ultrasound. 

Bukod pa rito, habang mas lumalaki na si baby sa sinapupunan, ang sukat niya ay mas naaapektuhan na ng iba't ibang salik o factors gaya ng mga sumusunod:
  • Una, DIET ni mommy. Ayon sa pag-aaral, mas nagiging malaki si baby kung overweight si mommy. Nakadepende din ang laki ni baby sa kung ano ba ang kinakain at iniinom ni mommy, at kung gaano ito kadalas at kadami.
  • Pangalawa, MEDICAL CONDITION ni mommy. Ang mga sakit na pwedeng magkaroon si mommy gaya ng high blood pressure, diabetes, anemia, infections, at iba pa ay maaaring makaapekto sa paglaki ni baby sa sinapupunan.
  • Pangatlo, HABITS ni mommy. Bumabagal ang pagdevelop ni baby sa sinapupunan at maaaring makunan ang mga mommy na naninigarilyo, umiinom ng alak, umaabuso sa prescription drugs, o nagpapakalulong sa bawal na gamot.
  • Pang-apat, GENETIC traits nina Mommy at Daddy. Kung matangkad, maliit, o balingkinitan ang katawan ng mga magulang, ganun din ang magiging katangian ni baby.
  • Nakakaapekto din ang EDAD ni Mommy, BILANG ng BABY sa sinapupunan, at marami pang iba.
Ayon sa mga research, karaniwang may 5-8 days lang na margin of error ang EDD mula sa TransV ultrasound na ginawa sa 1st trimester. Kapag lumagpas na 1st trimester, lumalaki na ang margin of error kaya may nakikita na tayo sa ultrasound results na + or - 2 weeks.  Kung irregular ang period mo, mainam na magpaTransV ultrasound upang malaman kung kailan ka possibleng manganak.

Mga Komento