Paghahanda para kay Baby : Pwede na ba bumili ng gamit ni Baby ? Kailan ba ako dapat bumili ng gamit ni baby?

Buntis ka at excited ka nang paghandaan ang pagdating ni baby. Ang tanong: kailan ba dapat magsimulang bumili ng mga gamit ni baby? 

Ayon sa pamahiin ng ibang mga matatanda, hindi pa dapat bumili ng mga gamit ni baby hanggang wala pang pitong buwan ang pagbubuntis mo. Ayon dito, mauuwi raw sa miscarriage o makukunan si mommy kapag maagang bumili ng gamit para kay baby. Ang pamahiin na'to ay parang katulad din sa isa pang pamahiin kung saan ipinagbabawal din na ipagsabi o ibalita sa iba nang maaga ang pagbubuntis ng isang babae. May ibang naniniwala sa ganitong sabi-sabi pero kung susuriin nating mabuti, wala po itong logical o scientific na basis.

Para po sa akin, nasa magiging parents po ang choice kung kailan nila gustong bumili ng mga gamit ni baby at hindi dapat ibase sa pamahiin - maliban na lang kung ang mga magulang mismo ay naniniwala dito. 

Sa tingin ko, maaaring magsimulang bumili na ng mga gamit ni baby kapag nakapagpaultrasound na sa unang trimester at naconfirm na ang pagbubuntis. May iba namang naghihintay muna nang kaunti para sa gender-scan ultrasound nang sa ganun ay alam na nila kung boy o girl ba si baby at maaari na silang bumili ng mga gamit na medyo gender-specific. Maaari ding magsimula nang bumili kung kailan meron ka nang pambili o kung kailan may mga malalaking SALE para makatipid ka. Ang iba naman, naghihintay munang maisaayos ang kwarto ni baby o ang pupwestuhan ng mga gamit ni baby.

Para sa akin, basta kumpirmado mo na ang pagbubuntis mo, maiiging pakonti-konti ka nang bumili ng mga gamit ni baby tuwing may SALE o tuwing may sobra sa kita niyong mag-asawa. Maaari din namang ipunin mo muna ang pera at mamili sa takdang panahon na gusto niyo na.

Ang mahalaga, nakahanda na dapat ang mga gamit ni baby pagdating ng ika-8 buwan mo ng pagbubuntis. Bakit dapat sa 8th month? Dahil hindi natin masasabi kung mapapaaga ang iyong panganganak o kung mahihirapan ka nang mamili sa sa huling buwan ng pagbubuntis mo. Tandaan natin na pagdating ng 3rd trimester hanggang sa panganganak mo, dyan na kadalasan nararanasan ng mga nanay ang pananakit ng mga paa, bewang at likod, false labor, pamamanas, at iba pa. Mas maganda kung sa panahon na yun ay makakapagrelax ka na at kampante ka na na kumpleto na ang kailangan ni baby. Kapag ganun, mailalaan mo na ang huling buwan ng pagbubuntis mo sa paghahanda physically, emotionally, at mentally sa panganganak mo at sa pagiging mommy.



Mga Komento